Binigyang diin ng Department of Migrant Workers (DMW) na magbibigay ito ng tulong sa mga Pilipinong naging biktima ng illegal recruitment ng dalawang kumpanya sa Milan, Italy.
Sinabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia na ang ilang mga Pilipino sa Italy ay inalok na magbayad ng 3,000 Euros para sa mga oportunidad sa trabaho para sa kanilang mga kamag-anak.
Sa pagbabayad, ang mga hindi lisensyadong recruiter na kinilala ng DMW bilang “Golden” at “Alpha Assistenza” ay nagbigay umano ng mga pekeng lisensya sa kanilang mga biktima.
Ayon kay Olalia, maliban sa peke ito, ay hindi rin lisensiyado at wala job opportunities na naghihintay sa nasabing bansa kaya malinaw na illegal recruitment at human trafficking ang ginawa ng mga recruiters.
Para tulungan ang mga nahihirapang Pilipino, gagamitin ng DMW ang P1.2-bilyon nitong “action fund” para tulungan sila sa kanilang mga kaso.
Una nang inanunsyo ng departamento na magpapadala ito ng fact-finding team sa Italy upang magsagawa ng imbestigasyon at mangalap ng mga testimonya ng mga biktima na ang bilang ay umabot na sa mahigit 200 katao.