-- Advertisements --

Ibinahagi ng vlogger na si Diwata na siya ay inaresto umano dahil sa “non-compliance” kaugnay ng kanyang pares business.

Sa isang video na in-upload noong Miyerkules ng umaga, sinabi ni Diwata na mayroon umanong warrant of arrest laban sa kanya.

“Nakulong ako. Bakit? May warrant na naman ako,” ani Diwata sa video.

Ayon sa vlogger, na ang tunay na pangalan ay Deo Jarito Balbuena, wala raw siyang natanggap na anumang babala o subpoena bago siya arestuhin.

“Nakakalungkot lang noh. Ganyan yung nangyari. Pwede namang ayusin kung may pagkakamali ako. Pero bakit warrant agad?” aniya.

Dagdag pa niya, hindi naman umano siya isang malaking negosyante.

“Tsaka hindi naman ako big-time na negosyante. Tamang-tama nga lang pangkain ang kinikita ko, minsan abono pa,” saad niya.

Hindi na nagbigay ng detalye si Diwata ukol sa kanyang pagkakaaresto dahil sa kasalukuyang kaso na kanyang kinahaharap. Gayunman, sinabi niyang pansamantala siyang nakalaya matapos magpiyansa ng P60,000, makalipas ang 24 oras mula nang siya ay arestuhin.

“Ang hirap maging Pilipino sa totoo lang. Lumalaban ka naman nang patas. Hindi ka naman namemerwisyo, dumidiskarte ka sa sarili mo para mabuhay ka pero bakit ganun?” ani Diwata.

Matatandaang noong Abril 2024, naaresto rin si Diwata dahil sa kasong slight physical injuries na isinampa pa noong 2018, kaugnay ng umano’y pananakit niya sa isang construction worker sa Pasay City.

Unang sumikat si Diwata matapos mag-viral ang kanyang pares business dahil sa overloaded servings sa murang presyo. Kalaunan, naging bahagi rin siya ng cast ng isang sikat na teleserye.