-- Advertisements --

Nag-abiso na ang Manila Electric Company (Meralco) sa mga customer nito hinggil sa suspensyon ng disconnection activities hanggang August 31.

Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, layunin ng nasabing suspensyon na bigyang pagkakataong ang customers na makapagbayad ng kanilang natitirang electric bills.

Sa ngayon daw kasi, focused ang kompanya sa pagsisigurong may sapat na koneksyon sa kuryente ang bawat customers nito.

“We need to keep the lights on, we need to explain individually kung kinakailangang one-on-one sa mga tanong ng customers natin, so wala ho haming magiging ano mang disconnection in the next coming months,” ani Zaldarriaga sa isang virtual conference.

Una nang sinabi ng Meralco na ngayong Hunyo pa lalabas ang electric bill ng customers nito para sa buong period ng enhanced community quarantine.

Ayon sa kompanya may hanggang bukas, June 30, ang customers para bayaran ang 25-percent ng kanilang bill. Ang matitirang 75-percent naman na halaga ay maaaring bayaran sa loob ng anim na buwang installment para sa mga customer kumunsumo ng 200-kilowatts per hour noong Pebrero.

Aminado ang Meralco spokesperson na hanggang ngayon ay marami pa rin silan natatanggap na reklamo dahil sa bahagyang taas ng electric bills na lumabas ngayong buwan.

“It is definitely challenging. We will not deny that and we understand also that marami sa mga customers namin ay talagang marami pa ring tanong.”

Nangako ang Meralco na ikokonsidera pa rin nila ang mga customers sakaling hindi maging sapat ang palugit na August 31 at kailanganing i-extend.