-- Advertisements --

Nagbabala si Film Development Council of the Philippines (FDCP) chairman at direktor na si Jose Javier “Joey” Reyes tungkol sa patuloy na ”paghihikahos” ng industriya ng pelikulang Pilipino.

Sa isang panayam sa paglulunsad ng aklat na SINE • FILM • PELIKULA: The 100+ Greatest Movies of Philippine Cinema, sinabi ng batikang direktor na hindi lamang presyo ng tiket ang dahilan kung bakit nahihirapang makakuha ng suporta ang mga lokal na pelikula.

Kailangan din daw tingnan ang attitude ng mga Pilipino sa mga pelikulang gawang Pinoy, kasabay ng responsibilidad ng mga producer na gumawa ng mga pelikulang sulit panoorin.

“bakit naghihikahos ang Pelikulang Pilipino? Dahil almost 800 million ang kinita ng Spider-Man at almost 500 million ang kinita ng The Odyssey,” ani Direk Joey.

“Ito ay sa aking pakiwari lang, hindi presyo ng ticket ang problema. Ang problema ay ang attitude ng Pilipino sa Pelikulang Pilipino,” dagdag niya.

Kailangan na raw na itaaas ang kalidad ng industriya sa paggawa ng mga pelikula, magbigay ng mga bagong kuwento at huwag umasa lamang sa lokal na merkado.

“Ang aking pakiwari, we have to think globally. We cannot depend just on the local market and on platforms. There is no progress nor future life for Philippine cinemas,” wika ni Direk Joey.

Sa kabila nito, pinuri niya ang lineup ng Cinemalaya ngayong taon, na tinawag niyang isa sa pinakamagagandang curation ng festival.

Binigyang-diin din pa ni Direk Joey na may potensyal ang mga kuwentong Pilipino na makilala sa buong mundo kung bibigyan ng sapat na halaga at gagawing mas bago sa panlasa ng manonood.

“Kaya naman pala. And atsaka dapat isipin natin na ang kwento ng mga Pilipino ay dapat bigyan natin ng hustong pagpapahalaga dahil ang kwento natin ay pwede nating ipagmalaki sa buong mundo kung gagawa tayo ng bago at makahulugang Pilipino,” pahayag pa ni Direk Joey.

Para sa direktor, mahalaga ang pelikula hindi lamang bilang entertainment kundi bilang bahagi ng kasaysayan at kultura ng bansa.

Aniya, ang tunay na halaga ng isang direktor ay hindi lamang nasusukat sa laki ng kinita ng kaniyang mga pelikula, kundi sa kung paano at gaano katagal naaalala ng mga tao ang kaniyang mga obra.