-- Advertisements --

Wala nang halaga ang inihaing mga diplomatic protest ng Pilipinas laban sa China sa kabila ng nagpapatuloy na aktibidad ng China sa West Philippine Sea.

Pahayag ito ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo kasunod ng nangyaring banggaan ng mga barko ng Philippine Coast Guard at Chinese Coast Guard sa WPS na nagresulta sa “minor structural damage” pati na ang namataang presensya ng research vessels sa Philippine Rise kamakailan.

Rekumendasyon naman ng Kongresista na magpadala na ng mga barko ang Philippine Navy at hilahin ang Chinese vessels na magtatangkang pumasok sa teritoryo ng bansa upang hulihin at pagpaliwanagin sa korte.

Naniniwala kasi si Tulfo na sa pamamagitan nito ay maipakita na seryoso ang Pilipinas sa pag protekta sa soberenya nito sa maritime domain.

Punto pa ni Tulfo, ang insidente sa Philippine Rise ay kahalintulad ng nangyari sa Bajo De Masinloc kung saan nag-“shelter” lang ang mga barko ng China pero ngayo’y nang-aangkin na.

Sa ngayon walang pinasok na kasunduan ang gobyerno para sa exploration at masyadong malayo ang Benham Rise para sabihing bahagi ito ng South China Sea.

Una nang napahayag ng pagkabahala si Speaker Martin Romualdez hinggil sa presensiya ng dalawang Chinese research vessel sa Philippine Rise.