-- Advertisements --

Naniniwala si Appropriations panel chair at Ako Bicol Partylist Representative Elizaldy Co na ang panukalang P262.01 bilyon na budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay magtitiyak sa paghahatid ng mga serbisyo at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Binigyan-diin ni Co na ang DILG ay isang “vital pilar” ng gobyerno ng bansa dahil ito rin ang nangunguna sa public safety maintenance at quick response needs.

Ayon sa mambabatas, mahalaga ang ginagampanang papel ng DILG lalo na sa hangarin ng bansa na magkaroon ng stability, progress, at resilience.

Ang 2024 proposed budget ng DILG na nasa P262.01 billion ay 1.0 percent na mataas kumpara sa kanilang budget nuong 2023 na nasa P259.4 billion.

Sa budget deliberation kanina, inihayag ni Secretary Benjamin Abalos Jr. na ang hiling talaga nila na pondo ay nasa P294 billion allocation mula sa Department of Budget and Management (DBM).

Ipinunto din ni Co na ang nasabing budget ay susuporta sa Six-Year Priority thrust UNITE AGENDA Ang Tugon sa Makabagong Panahon.

Sinabi ni Co, mahalaga ang tungkuling gagampanan ng DILG sa pagtugon sa agenda na ito upang mapanatili ang kaayusan ng bansa sa iba’t ibang aspeto mula sa kapayapaan at pampublikong kaligtasan at pagpapalakas ng kakayahan ng lokal na pamahalaan upang epektibong maipagkaloob ang mga pangunahing serbisyo sa ating mga kababayan.