-- Advertisements --

Umapela ang Department of the Interior and Local Government sa lahat ng mga lokal na pamahalaan na gumawa ng kaukulang ordinansa na maghihigpit sa mga paggamit at pagbebenta ng mga tobacco products.

Partikular na tinukoy ng ahensya ang sigarilyo at vape products.

Batay sa inilabas na memorandum circular ng ahensya, binigyang diin nito ang pagbebenta, paggawa at distribusyon ng tobacco at vape products ay dapat na akma sa mga umiiral na batas ng mga LGU.

Sinabi rin sa kautusan na dapat ay mayroong sariling pamantayan ang mga lokal na pamahalaan.

Pinahihigpitan ng ahensya ang pagpapatupad ng Republic Act (RA) 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003 at RA 11900 o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.

Tinukoy rin nito ang RA 10643 o Graphic Health Warning Law at maging ang RA 11467 at RA 10351.

Kinakailangan rin aniya na gumawa ng mga patakaran na may kinalaman sa smoke-free environments at pagtatayo ng smoking areas maging ang tamang paskil ng mga graphic health warnings.