PInaghahanda na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials para sa maayos na transition, ilang buwan bago ang nakatakdang 2026 Barangay and SK Elections (BSKE).
Sa direktibang inilabas ng ahensiya, inaatasan ang mga naturang opisyal na simulan na ang maagang inventory sa lahat ng mga kagamitan at paghandaan ang maayos na transition.
Kabilang sa mga dapat ihanda ay ang kumpletong listahan ng mga public property na nasa pag-iingat ng kanilang opisina, financial records, mga dokumento, money accountabilities, atbpang mahahalagang bagay.
Dapat ay maayos na ang lahat ng mga ito bago ang inaasahang turnover ng opisina.
Sa mga Punong Barangay, inatasan ang mga ito na bumuo ng Barangay Inventory Teams (BITs), na kinabibilangan ng barangay officials at community representatives, para manguna sa documentation official turnover.
Inaatasan din ang mga SK chairpersons na buuin ang SK Inventory Teams (SKITs) na may kahalintulad na aktibidad.
Naatasang magbigay ng suporta sa barangay at SK officials ang City at Municipal Assessment and Transition Teams hanggang sa matapos ang buong transition.
Nagbabala naman ang DILG na ang kabiguan ng mga ito na gawin ang naturang direktiba ay may kaakibat na administrative at legal charges.
Nakatakda sa buwan ng Nobiyermbre ang susunod na BSKE. (report by Bombo Jai)














