Nanawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa publiko na taimtim na ipagdiwang ang All Saints’ Day at All Souls’ Day sa pagdarasal para sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na sundin ang mga itinatag na alituntunin sa pagbisita sa mga sementeryo.
Bilang pag-iingat, sinabihan din ni Abalos ang publiko na kunin ang mga numero ng telepono ng mga local public assistance desk para agad silang makatawag ng tulong sakaling magkaroon ng emergency.
Dagdag dito, sa kanyang pagbisita sa mga sementeryo, pinuri ni Abalos ang mga local government units ng Maynila at Caloocan City, Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (PNP) sa sapat na paghahanda para sa Undas 2023, sa kabila ng kanilang mahigpit na schedule dahil sa katatapos lang ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Inaasahan ng pamahalaang lungsod ng Maynila na may 1.2 milyong bisita ang dadagsa sa Manila North Cemetery ngayong taon.
Una na rito, ang PNP ay nagtalaga ng 27,000 pulis sa buong bansa habang ang BFP ay nagtalaga ng 35,518 na bumbero para magbigay ng tulong sa mga motorista at emergency medical services.