Nakikipag-ugnayan na ngayon ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa kanilang legal team para sa mga susunod na mga hakbang na kanilang isasagawa.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa ginagawang pagmamatigas ni Cebu Governor Gwen Garcia hinggil sa kaniyang ganap na pagsasabatas sa pagluluwag sa mandatoryong pagsusuot ng facemask sa kanilang lalawigan.
Sa isang panayam, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na layunin ng kanilang pagkonsulta sa mga legal team na mapigilan ang ganitong klase ng mga gawain na talagang labag aniya sa Executive Order No. 151, na pumapatungkol sa implementasyon ng Alert Level System for COVID-19 response sa buong bansa.
Ipinahayag ito ni Año kasabay ng kaniyang muling pagbibigay babala sa lahat na posibleng maaresto ang sinumang lalabag sa mga ipinapatupad na health and safety protocols partikular na ang mandatoryong pagsusuot ng facemask na nakasalig naman sa nasabing batas na ipinatupad sa Pilipinas.
Samantala, sa naging eksklusibong panayam naman ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni Atty. Domingo Egon Cayosa, ang dating national president ng integrated bar of the philippines, na sana ay hindi na umabot pa demandahan ang naturang usapin dahil nagiging sanhi pa aniya ito ng kalituhan ng taumbayan.
Dito ay inamin ni Atty. Cayosa na mayroon naman talagang kapangyarihan ang mga local executives na magpatupad ng sariling mga batas ngunit sa panahon ngayon ng pandemya ay dapat pa rin aniya na mangingibabaw ang kautusan ng National government.










