Tiniyak ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi mako-kompromiso ang privacy ng publiko sa gitna ng pinalalakas pang contact tracing efforts ng bansa sa COVID-19.
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, may binubuo na silang sistema para publiko mismo ang makakapag-validate kung lehitimo ba ang contact tracing teams na kakatok sa kanilang mga bahay.
“We are now doing a system wherein mava-validate ng taong bayan if that person is a actual contact tracer.”
“Contact tracing is done either through a call or through face to face interviews. So if its a face to face interview, please insist on looking at the identification card.”
Payo ni Malaya, kailangang masiguro na mula sa kinabibilangang local government unit ang ID na ipre-presenta ng isang contact tracer. Maaari rin daw humingi ng tulong sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) para masigurhing lehitimo ang contact tracer.
Umapela naman ang opisyal sa publiko na maging aktibo rin sa pakikipagtulungan sa contact tracing teams para makapagbigay agad ng aksyon kung sila man ay na-expose sa isang confirmed case ng COVID-19.
Nilinaw ni Usec. Malaya na may apat na modules na kailangang ipasa ang contact tracers sa ilalim ng kanilang training. Kabilang dito ang responsibilidad sa data privacy.
“Napapansin naming problema sa contact tracing, hindi cooperative yung ibang mga tao kapag kino-contact sila ng contact tracing teams. Ayaw nilang magbigay ng impormasyon, masisi, ma-discriminate. We understand that pero sana intindihin nila na they have responsibility to our country, themselves, and their family.”
Magugunitang naglabas ng advisory ang Department of Health (DOH) laban sa mga nagpapanggap na contact tracers ng COVID-19 cases.
Sa ngayon target daw ng Interior department na makapag-hire ng 50,000 contact tracers, dahil aprubado ito sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act.
May higit 10,000 tracers nang na-hire ang ahensya at sumasailalim ngayon sa training. Nasa higit 55,0000 naman ang pending pa ang aplikasyon.