Iniimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government sa posibleng pagkakasangkot ng isang pulis sa umano’y isyu ng land-grabbing incident sa Masungi Georeserve sa lalawigan ng Rizal.
Kaugnay nito, ininspeksiyon ni DILG Sec. Benhur Abalos Jr. ang Masungi Georeserve kasunod ng impormasyon na nakatakda umanong i-turn over ng naturang pulis ang kontrol sa lugar sa isang pribadong indibidwal.
Ang nasabing indibidwal naman ay napaulat na konektado sa dating hepe ng Philippine National police-Special Action Force (PNP-SAF).
Pinagiba umano ng mga kapulisan ang kanilang barracks sa loob ng Masungi Georeserve noong nakalipas na Biyernes para sa bagong may-ari ng lugar.
Subalit ayon sa pamunuan ng Masungi Georeserve Protected Area, ang naturang property ay pagmmay-ari ng pamahalaan.
Maliban naman sa land-grabbing, sinisiyasat din ng DILG ang iligal na struktura na itinayo sa loob ng Masungi.
Nakatakda namang ilabas ng DENR ang findings nito kung legal ba ang mga struktura na ipinatayo sa loob ng protected areas kabilang ang Masungi.