-- Advertisements --

Inatasan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police, local government units, at barangays na striktong ipatupad ang ban kontra mass gatherings sa mga lugar na kasama sa general community quarantine bubble.

Sa isang statement, ipinag-utos din ni DILG officer-in-charge Undersecretary Bernardo C. Florece Jr. sa PNP na mag-set up ng border checkpoints para maharang ang mga pagbiyahe ng non-essential workers.

Hinimok naman din nito ang mga LGUs na mag-deploy ng marshalls, Barangay Disiplina Brigades, barangay tanods at iba para matiyak na striktong sumusunod ang mga residente sa pinahigpit na restrictions.

Nanawagan din si Florece sa publiko na isumbong sa kanilang Barangay Health Emergency Response Teams ang mga magsasagawa ng mass gatherings.

Inatasan ng DILG ang police, LGUs, at barangays na i-monitor ang compliance ng publiko at establishments sa mga bagong health protocols.

Nabatid na nasa 10,000 police officers na ang ikinalat sa Metro Manila para magpatupad ng kautusan na magbabawal sa mass gatherings.

Ang mga pulis na ito ang siyang inatasan din na magbantay sa uniform curfew hours mula alas-10:00 ng gabi hanggang ala-5:00 ng umaga.