Nakikipag-ugnayan na sa ngayon ang Department of the Interior and Local Government sa PNP Highway Patrol Group na mas paghigpitan pa ang pagsusuri sa mga plaka ay dokumento ng mga mahuhuling sasakyan sa kalsada.
Ito ang inihayag ni DILG Sec. Benjamin Abalos Jr. kasunod ng pagkakaaresto ng tatlo sa apat na mga empleyado ng Land Transportation Office matapos na mabisto na gumagawa at nagpupuslit ng mga pekeng plaka ng sasakyan mula mismo sa plantang pagawaan ng plaka ng naturang ahensya sa Quezon City.
Sabi ni Sec. Abalos, aabisuhan niya ang HPG na bukod sa pag-scan sa mga plaka ay hanapan din na iba pang dokumento tulad ng ORCR ang mga mahuhuling sasakyang nito.
Bukod dito ay pinaplano din ngayon ng DILG na makipagkasundo sa LTO para sa pagbuo ng hotline na direktang mag-uugnay sa mga pulis at sa naturang ahensya para sa mas mabilis na pag-check kung ang isang plaka ba ay peke o hindi
Kasabay nito ay muli ring nagbabala sa publiko ang mga kinauukulan na wag na wag bibili ng mga ilegal na plaka at agad na makipag-ugnayan din sa LTO para ma-verify kung lehitimo ang mga ito.
Samamtala, kung maaalala limang pares ng pekeng plaka ang nakuha ng mga otoridad sa mga suspek sa nasabing krimen na nagpupuslit ng plaka mula sa pagawaan ng lto na ibinebenta nito sa mula sa halagang Php5,000 hanggang Php10,000.
Ngunit batay sa imbentaryo ng naturang ahensya sa ngayon ay nasa 38 mga plaka ang nawawala dahil dito ay nagpapatuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga kinauukulan upang alamin kung gaano kalawak at katagal ang naturang modus operandi.