-- Advertisements --
image 387

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government ang mga lungsod ng Makati at Taguig na tulungan ang Commission on Elections (Comelec) sa mga usaping may kinalaman sa botohan bago ang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.

Sa isang memorandum, inatasan ng DILG ang dalawang pamahalaang lungsod na bigyan ang Comelec ng tulong at suporta sa mga usapin sa halalan—kabilang ang lugar para sa paghahain ng mga certificate of candidacy;residency requirements; at mga lokasyon ng polling places—sa sampung barangay na subject ng desisyon ng Korte Suprema na naglilipat sa kanila mula Makati patungong Taguig.

Noong 2021, ipinasiya ng SC na ang Fort Bonifacio Military Reservation, na binubuo ng parcels 3 at 4, psu-2031 ay bahagi ng teritoryo ng Taguig.

Kalaunan ay tinanggihan ng SC ang motion for reconsideration ng Makati noong 2022 at ang apela na maghain ng pangalawang motion for reconsideration noong 2023.

Sinabi ni Comelec Chair George Garcia na hindi na kailangang muling magparehistro ang mga botante sa mga apektadong barangay para sa darating na halalan. Dagdag pa ni Garcia, ang mga botante mula sa mga barangay na dating idineklara bilang bahagi ng Makati City ay awtomatikong ililipat sa Taguig City.

Ang panahon para sa paghahain ng certificates of candidacy (COC) para sa 2023 BSKE ay tatakbo mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2, habang ang panahon ng kampanya ay tatakbo mula Oktubre 19 hanggang Oktubre 28 lamang. Ang araw ng halalan ay Oktubre 30