Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na planuhin ang mga ruta kung saan papayagang dumaan ang mga electric vehicles alinsunod sa Electric Vehicle Industry Development Act (Evida law).
Ito ay kasunod na rin ng pangamba kaugnay sa panukalang regulasyon sa paggamit ng light e-vehicles kabilang ang e-bikes at e-trikes sa buong bansa.
Sa ilalim kasi ng Evida law, dapat na mabigyan ang e-vehicles ng mga ruta na tinukoy ng mga lokal na pamahalaan at inaprubahan ng DOTr.
Sinabi naman ni DILG Sec. Benhur Abalos na tinitignan na ng technical working group ang traffic concerns sa Metro manila kabilang ang paggamit ng e-vehicles.
Samantala, pinaplantsa na ng Metro Manila Council ang mga detalye kaugnay sa pagpapatupad ng resolution sa Abril 15 na nagbabawal sa e-bikes at e-trikes sa pangunahing kakalsadahan sa Metro Manila.