-- Advertisements --
DILG Sec Ano
Interior and Local Government Secretary Eduardo Año

Pabor at suportado umano ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang panukala ng Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik muli ang death penalty lalo na sa mga kasong may kaugnayan sa illegal drugs at plunder.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Año kaniyang sinabi na ang pagpataw ng parusang kamatayan ay dapat mayroong “graduated scale” na tinatawag kung saan ang Kongreso ang magdedetermina nito kung ano ang pasok sa death penalty.

Para kay Año ang mga convicted drug pushers ang dapat maparusahan ng kamatayan.

Pero hindi naman pabor ang kalihim na death penalty din para sa mga drug users.
Medyo hati naman si Año sa mungkahi na maging sa plunder ay death penalty ang kakaharapin.

Giit ng kalihim, mas pabor siya na sa kasong illegal drugs ipapataw ang parusang kamatayan.

Aniya, lahat ng mga nangyayaring heinous crimes ay laging konektado sa illegal drugs.

Sa katunayan daw 70 percent sa mga nakakulong ngayon ay nahaharap sa kasong illegal drugs.

Nang simulang tutukan at pinaigting ng PNP ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga bumaba umano ang crime volume ng 11 percent.

Para sa kalihim dapat daw gayahin ang batas ng Malaysia at Indonesia kaugnay sa pagpataw ng parusa sa mga drug offenders.