-- Advertisements --

Nakiusap si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. kay Cebu city Mayor Michael Rama na ipagpaliban muna ang implementasyon ng executive order kung saan hindi na mandatoryo ang pagsusuot ng face masks sa open spaces.

Ginawa ni Abalos ang naturang pahayag matapos mapag-alaman ang paglagda ng alkalde sa naturang executive order upang maiwasan na magkaroon ng kalituhan sa polisiya sa pagsusuot ng face masks.

Ayon kay Abalos, pumayag si Rama sa kaniyang panawagan at ginarantiya sa Cebu City mayor na ipaprayoridad ang naturang hakbang para gawing non-mandatory ang face masks sa outdoors.

Bagamat naiintindihan naman umano ni Abalos ang alkalde sa kaniyang naging dahilan sa likod ng pagluluwag ng face mask policy, naninindigan si Abalos na mayroong batas na kailangang sundin lalo na ang ating bansa ay kasalukuyan pang nasa state of public health emergency.

Nangako din si Abalos na kaniyang idudulog ang nasabing isyu sa IATF at inihayag sa local chief executives na patuloy pa rin na ipatupad ang face mask regulations hanggang sa magkaroon na ng desisyon.

Tiniyak din ni Abalos na sa loob ng isa o dalawang linggo ay may kasagutan na sa naturang isyu.

Pabor naman si Abalos na gawin ang pilot test ng pagluluwag sa face mask mandate sa Cebu City upang makita kung maaari itong ipatupad sa buong bansa.