-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kailangang ipagpasalamat pa rin umano ni Vice President Leni Robredo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang naging karanasan bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Illegal Drugs (ICAD).

Ito’y sa kabila ng pagsipa ng presidente bilang ICAD co-chair kay Robredo, dalawang linggo matapos itong in-appoint ng pangulo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo, sinabi nito na hindi nagustuhan ni Pangulong Duterte ang mga kinikilos ni Robredo katulad ng pakikipagkita sa mga US officials.

Ayon kay Panelo, “grand standing” lang ang ginagawa ni Robredo kung saan mas madami pa ang oras nito sa pagpapatawag ng presscon.

Pahayag pa nito, ni hindi nakikipag-usap ang bise presidente kay Duterte simula noong italaga ito bilang co-chair ng ICAD.

Nilinaw din ni Panelo na hindi humingi ng sorry si Pangulong Duterte kay Robredo, taliwas sa naunang lumabas na impormasyon.