Mariing kinondena ng grupong Digital Pinoys ang umano’y malawakang “system overboarding” at pagtatago ng ilang transport network companies (TNCs), matapos maapektuhan ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga transport workers.
Nabatid na nagtungo ang maraming PUV drivers at riders sa LTFRB upang magpatala at humingi ng linaw sa ayuda, matapos madiskubreng wala sila sa opisyal na listahan o kulang ang impormasyong isinumite ng kanilang mga kumpanya.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Digital Pinoys campaigner na si Ronald Gustilo, iginiit nito na matagal na nilang inirereklamo ang nasabing isyu sa LTFRB, partikular noong 2024 hanggang 2025 pa lamang.
Ayon kay Gustilo, mula sa tinatayang 50,000 riders na una nilang inireklamo noon, lumobo na umano ito sa mahigit 170,000 riders na umano’y na-overboard o lampas sa itinakdang alokasyon ng gobyerno.
“Matagal na natin itong inireklamo sa LTFRB, mga nasa 2024-2025, nagsampa na tayo ng reklamo patungkol dito. Noon ay 50,000 lamang na riders ang overboarded dun sa isang kompanya. Pero ngayon, ang binabanggit ng ating kausap sa gobyerno at sa industriya ay umabot na sa mahigit 170,000 yung kanilang mga riders,” saad ni Gustilo.
Ipinaliwanag din niya na hindi dapat sisihin ang mga rider at driver sa pagdagsa sa payout sites, dahil naniniwala ang mga ito na sila ay lehitimong nakarehistro at kwalipikado sa ayuda.
Gayunpaman, marami sa kanila ang nadismaya nang hindi sila mapasama sa listahan ng mga benepisyaryo.
Dahil dito, hindi lamang umano naabala ang mga rider, kundi naapektuhan din ang maayos na pamamahagi ng ayuda.
Dagdag pa ni Gustilo, may mabigat ding implikasyon ito sa pondo ng gobyerno, dahil tinatayang aabot sa halos isang bilyong piso ang karagdagang gastos para matugunan ang halos 200,000 riders na wala sa orihinal na alokasyon.
Aniya, mas makabubuti sanang nailaan ang naturang pondo sa iba pang mga vulnerable sector upang makatulong sa pagaan ng epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
“Unang-una, naabala yung mga rider. Pangalawa, naisturbo yung pamamahagi ng ayuda. Pero yung isang mabigat na implikasyin dito, aabot sa halos isang bilyong piso ang magiging karagdagang gastos nito para sa ating gobyerno, para sa ataing mamayan. Dahil po halos 200,000 riders na wala sa alokasyon,” dagdag pa nito.
Lumabas din umano sa kanilang impormasyon na ginagamit ang tinatawag na “tempo scheme” upang makalusot sa limitasyon ng onboarding at maitago ang sobrang bilang ng mga rider.
Dahil sa nangyaring kalituhan, umabot sa puntong naapektuhan na rin ang reputasyon ng mga ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa programa.
Kaugnay nito, nanawagan ang Digital Pinoys sa LTFRB at DOTr na magsagawa ng agarang imbestigasyon, itigil ang onboarding ng mga kumpanyang lumalabag, at magpataw ng kaukulang parusa.
Hinimok din ng grupo ang pamahalaan na protektahan ang kapakanan ng mga driver at rider, at papanagutin ang mga kumpanyang lumabis sa kanilang alokasyon—kabilang na ang posibleng suspensyon o pagbawi ng akreditasyon ng mga ito.
Iginiit ng grupo na ang pananagutan ay dapat mapunta sa mga kumpanya, at hindi sa mga driver at rider na umaasang makatanggap ng nararapat na ayuda.
“Sa pamahalaan, proteksyonan natin ang mga riders at mga drivers at papanagutin ang mga kompanya na lumabis sa kanilang alokasyon. Kung kinakailangang suspendihin o bawian ng accreditation ang mga kompanyang ito, ay gawin po nila,” saad pa nito.
















