Nakatakdang ilunsad ng Department of Migrant Workers(DMW) ng digital OFW Pass na ipapalit sa tradisyunal na Overseas Employment Certificate(OEC).
Ayon kay Migrant Workers Undersecretary Hans Leo Cacdac, ang digital OFW Pass ay tiyak na magpapabilis sa exit clearance ng mga Pinoy overseas workers na may aktibong mga kontrata.
Sa pamamagitan nito aniya ay magiging mas madali na ang proseso sa pagkuha ng mga pass o clearance ng mga OFWs, dahil sa hindi na kailangan pa ng onsite processing ng OEC, sa halip ay kailangan na lamang i-upload ng mga OFWs ang lahat ng kinakailangang impormasyon sa digital apps gamit ang kanilang mga cellphones.
Ibig sabihin, hindi na rin kailangan ng mga ito na magbayad pa ng P100.00 na fee para sa kukuning OEC.
Kapag nailunsad na ang digital OFW Pass, maaaring maaplyan ito ng mga OFWs sa pamamagitan ng DMW Mobile Apps at magiging epektibo rin ito hanggang matapos ang kanilang kontrata.