Tiniyak ng Department of Information and Communications Technology na sila’y patuloy nakatutok sa mga reklamong natatanggap ukol sa mga abusadong gasolinahan.
Ayon kay Secretary Henry Rhoel Aguda, mayroon nakatalagang ‘section’ sa inilunsad na eGovPH Application ng pamahalaan kung saan sila nakabantay sa mga hinaing ng publiko.
Makikita o mababasa aniya rito ang ‘Bantay ng mga Gasolinahan’ kung saan pwedeng magsumbong ang mga nais magreklamo.
Ibig sabihi’y maaaring dumulog ang isang indibidwal ‘online’ sakaling makaranas o makatuklas ng mapang-abusong gasolinahan.
Bukod pa rito’y ibinahagi pa ng kalihim na mayroon alternatibong paraan upang magsumbong sa pamahalaan.
Ang publiko aniya’y maari ding dumulog sa Hotline 1326 website ng Department of Information and Communications Technology.
Payo ni Secretary Aguda na ‘picturan’ ang makitang presyo sa gasolinahan na nais ireklamo at i-send sa nabanggit na website.
Aminado naman ang naturang kalihim na sa kasalukuyan hindi pa nila nakokolekta ang kabuuang bilang ng mga natanggap na reklamo ukol sa partikular na isyu.
Aniya’y hindi pa ganoon kalaki o kadami ang mga ito kung kaya’t hindi ganoon nasa pinakataas na prayoridad sa isinasagawang ‘monitoring’.
Gayunpaman kanyang pagtitiyak na kanila pa rin itong tutugunan at hindi babalewalain ang mga sumbong na idinulog sa tanggapan.
Bukod dito, aniya’y tinutukan nila ang ugnayan sa pag-proseso ng pamamahagi ng ayuda para sa mga drayber apektado ng krisis sa gasolina.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang kinakaharap na krisis sa gasolina o produktong petrolyo sa bansa.
Kasabay ito sa digmaan o gulo sa Gitnang Silangan sa pagitan ng mga bansa na ang epekto’y abot at ramdam maging sa Pilipinas.
















