Dumepensa ang Department of Information and Communication Technology kaugnay sa patuloy na paglipana ng text scams sa bansa sa kabila ng pagtatapos ng deadline ng SIM registration sa Pilipinas.
Ito ay matapos na kuwestiyonin sa House Committee on Appropriations ang naturang ahensya kung bakit patuloy pa ring nakakatanggap ng text scams ang milyon-milyong registered SIM cards sa bansa.
Paliwanag sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center na attached agency ng DICT, ito ay dahil sa mga sindikatong bumibili ng mga pre-registered SIM cards at gumagamit ng mga makabagong makinang ginagamit bilang text blaster na gumagaya sa mga SIM Card.
Batay din sa pinakahuling data na nakalap ng naturang tanggapan, karamihan sa mga text scams ay nagmumula sa katimurang bahagi ng Maynila, ilang bahagi ng Mindanao, at ilang bahagi rin ng Quezon City.
Kasalukuyan na nilang pinagpaplanuhan ang pagtugon sa isyu ng bentahan ng mga pre-registered SIM cards.
Kasabay nito ay nagpapatuloy din aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Bureau of Customs ukol dito para sa mas mahigpit na pagbabantay sa importasyon ng mga makabagong text blaster machines.