Nagdeploy ang Department of Information and Communications Technology (DICT), katuwang ang mga pangunahing telecommunications providers, ng libreng internet at emergency communications services sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Sa pamamagitan ng DICT Region 12, naglatag ito ng Starlink satellite kits, charging stations, at libreng internet sa mga evacuation center, disaster response offices, at iba pang mahahalagang pasilidad sa ilalim ng Government Emergency Communications System at Free Public Internet Access Program.
Nag-activate rin ang isang telco ng satellite-to-mobile service gamit ang Starlink para sa libreng data at messaging sa South Cotabato, Sultan Kudarat, at Sarangani, habang nagbigay naman ang PLDT at Smart ng libreng Wi-Fi, charging stations, at libreng tawag para sa mga residente at emergency responders.
Ayon sa DICT, nananatiling matatag ang telecommunications at internet services sa mga apektadong lugar habang patuloy ang koordinasyon sa mga telco upang matiyak ang tuloy-tuloy na komunikasyon at suporta sa relief at recovery operations.
















