Magpapadala ang DICT ng apela sa Kongreso para ibalik ang panukalang P300 milyon nitong confidential funds.
Ayon kay DICT Sec. Ivan John Uy, ito ay isang malaking dagok sa kanilang departamento maging sa gobyerno kung itutuloy ng pagtapyas sa kanilang pondo.
Kung matatandaan, nagpasya ang House of Representatives na maglaan ng zero confidential funds sa Office of Vice President, Department of Education, DICT, Department of Agriculture, at Department of Foreign Affairs sa proposed national budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Uy, habang dumarami ang mga cyber threat at cyber criminals mas dapat sanang paglaanan ng pondo ang kanilang departamento upang sugpuin ang talamak na ilegal na mga aktibidad.
Ayon sa House appropriations committee, may kabuuang P1.23 bilyon na confidential funds ang ihahanay muli sa mga ahensyang nangunguna sa pagsisikap na itaguyod ang mga karapatan sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea gaya ng Philippine Coast Guard.
Ngunit binigyang-diin ni Uy na habang ang mga pagsisikap ay ginagawa upang protektahan ang mga pisikal na hangganan, ang mga usapin din ukol sa cybersecurity ay nangangailangan din ng malaking pansin mula sa pamahalaan.