CENTRAL MINDANAO – Nasawi ang dalawang bata sa dehydration at 42 ang nagpositibo sa diarrhea (LBM) sa lalawigan ng Maguindanao.
Ito ang kinumpirma ni Ministry of Health (MOH-BARMM) Minister Saffrulah Dipatuan.
Ang mga biktima ay nagmula sa Bongo Island sa bayan ng Parang, Maguindanao.
Agad na nagpadala si Minister Dipatuan ng mga health workers upang siyasatin, gamutin at mangalap ng mga halimbawa ng mga dumi mula sa mga biktima at ang mapagkukunan ng tubig na ginagamit ng mga apektadong residente.
Nanggaling umano sa balon ang ininom na tubig ng mga biktima na kontaminado ng bakterya.
Pagkatapos makainom ng tubig ang mga residente galing sa balon ay sumakit na ang kanilang tiyan at nag-LBM.
Dalawang mga bata ang nasawi ng maubusan ng tubig sa katawan (dehydration) at 42 ang nadala sa health center.
Dagdag ni Dipatuan na walang indikasyon ng cholera na natagpuan batay sa kultura at pagsusuri sa bakterya.
Ramdam na ang tag-init sa isla at ang mga residente ay nag-iigib sa balon sa kanilang inumin at tubig sa pagluluto.
Matatandaan na marami na rin ang nasawi at na-ospital dahil sa cholera outbreak sa Bongo Island.
Sa ngayon ay agad inatasan ni Maguindanao Gov Bai Mariam Sangki ang Integrated Provincial Health Office (IPHO) na i-monitor ang sitwasyon sa Bongo Island.