-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Itinanggi ng Municipal Agriculture Office sa Binmaley na hindi sa Barangay Linoc, kundi mga baboy mula sa isang backyard raiser ng Barangay Lucao sa Lungsod ng Dagupan, nagmula ang 40 baboy na una nang namatay dahil sa sinasabing African swine fever o ASF virus.

Ayon kay Fernando Ferrer, Municipal Agriculturist ng bayan ng Binmaley, taliwas sa mga naunang impormasyon ay napag-alaman nilang mga baboy pala sa karatig na barangay ang area of origin kung saan namatay ang mga alagang baboy.

Pero sa ngayon aniya ay hindi na mahalaga kung saan nag-originate ang virus at patuloy na lamang sila sa paggawa ng mga paraan kung paano maiiwasan ang pagkalat nito sa kanilang lugar.

Ayon pa sa opisyal, ilang mga baboy na rin ang namatay kasunod ng naunang 40 kaya naman agad nila itong kinuhanan ng mga blood samples at nakatakda ang paglabas ng resulta sa susunod na linggo.

Kung sakali umano na magpositibo sa ASF ang mga baboy na namatay sa Barangay Linoc, ipapatupad nila ang culling operation sa ilalim ng one kilometer radius at tinatayang umaabot sa 30 backyard raisers at 300 na baboy ang madadamay.