Nilinaw ni UP Vice President for Academic Affairs Dr. Elena Pernia na hindi kinukonsinte ng institusyon ang recruitment ng New People’s Army (NPA) sa mga estudyante sa loob ng kanilang mga campus.
Ginawa ito ni Pernia matapos na winakasan na ng Department of National Defense (DND) ang 31-taong gulang na kasunduan sa UP, na nagbabawal sa pagpasok ng mga sundalo at pulis sa loob ng campus kung wala namang koordinasyon sa mga opisyal ng UP.
Sa liham na may petsang Enero 15, sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana kay UP President Danilo Concepcion ang tungkol sa termination sa naturang kasunduan dahil sa recruitment nang mga komunista sa mga estudyante sa loob ng campuses ng UP.
Ayon kay Concepcion, unwarranted at unnecessary ang unilateral termination sa DND-UP pact.
Sa kanyang liham kay Lorenzana, ipinaabot ni Concepcion ang kanyang pagkabahala sa naging desisyon ng DND.
Sinabi niya rito na maaring may kalakip na negatibong epekto ito sa relasyon sa pagitan ng ahensya at ng unibersidad.










