Pinaiimbestigahan sa Kamara ang kabiguan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maibigay noong nakaraang taon ang social pensions ng mahigit 1 million indigent senior citizens sa bansa.
Sa kanyang inihaing House Resolution 656, iginiit ni Senior Citizen party-list Rep. Francisco Datol Jr. na humigit kumulang 1.57 million idigent senior citizens ang hindi nakatanggap ng kanilang social pensions noong 2019.
Base kasi aniya sa report ng DSWD, 58.63 percent lamang sa 3,796,791 mga idigent senior citizens ang nakatanggap ng kanilang social pension sa nakalipas na taon.
Nangangahulugan lamang ito na 2,226,034 idigent senior citizens lamang ang nakatanggap ng kanilang pension hanggang noong Disyembre 31, 2019.
Lubhang nakakadismaya ito ayon kay Datol, na maituturing din aniyang disservice para sa mga nakatatanda.










