-- Advertisements --

Nanawagan si House Assistant Minority Leader France Castro sa Commission on Higher Education (CHED) na i-assess ang sitwasyon ng mga estudyante at mga guro sa higher education institutions sa ilalim ng blended distance learning.

Ito aniya ang marapat na gawin ni CHED Chairman Prospero De Vera bago sabihin na ang flexible distance learning na ang siyang norm para sa darating na pasukan.

Pinatutukoy ni Castro sa CHEDA ang plano para masuportahan naman ang mga guro at estudyante na nahihirapan sa blended learning system.

Marami na rin kasi aniya ang nananawagan para sa pagkakaroon ng academec ease dahil na rin sa mental, physical at financial strain na dulot ng flexible distance learning para sa mga mag-aaral at kanilang mga guro.

Para kay Castro, “very dangerous” at banta sa access ng mga Pilipino sa kalidad na edukasyon ang pahayag na hindi pa makakabalik sa face-to-face learning sa pasukan.

Sa nagdaang School Year, marami na aniya sa mga mag-aaral ang napilitan na ihinto muna ang kanilang pagpasok sa paaralan dahil sa wala silang sapat na access sa kanilang online classes o module.

Kaya naman dapat na aralin na aniya ng CHED kung saang mga lugar ang low risk na sa COVID-19 para na rin makapagsagawa na sa mga ito ng face-to-face learning.

Bukod dito, ay dapat kumilos na rin aniya ang CHED para mapabilis ang rollout ng bakuna sa mga guro at kawani ng teriary education.