Inamin ng Philippine National Police (PNP) na isa sa mga dahilan kung bakit tinanggalan ng police escorts ang brodkaster na si Erwin Tulfo ay dahil sa ugali nito.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, hindi nila nagustugahan ang pambabastos, pagmumura at pang-aalipusta ni Erwin kay dating Philippine Army Commanding General at ngayo’y Department of Social Welfare and Development Secretary Rolando Joselito Bautista.

Subalit nilinaw naman ni Albayalde na coincidence at hindi nila ito sinasadya dahil naka-schedule nang i-review ang lahat ng security details ng Police Seurity and Protection Group (PSPG) ngayong linggo.

Samantala, ipinaliwanag ni B/Gen. Filmore Escobal, hepe ng PSPG, na pumasa sa isinagawang threat assessment si Erwin at mga kapatid nito kaya sila may security detail at may exemption mula sa Commission on Elections.

Pinare-report na sa Kampo rame ang walong police escorts ng magkakapatid na Tulfo kasama ang security detail sa asawa ni Raffy na si Jocelyn.

Hindi naman masabi ng PNP kung kailan maibabalik ang security detail sa magkapatid naTulfo pero kadalasan daw ay tumatagal ang review ng isa hanggang dalawang linggo.