Aminado si Justice Undersecretary Deo Marco na sa unang pagkakataon sa nakalipas na limang taon bigo ang mga awtoridad na maaresto ang mga pumugang bilanggo sa New Bilibid Prison kamakailan.
Kadalasan kasi aniya nare-recover naman ang mga tumakas na bilanggo sa loob ng 24 oras.
Enero 17 nang tumakas ang apat na bilanggo sa maximum security compound ng national penitentiary, kung saan dalawa ang nabaril-patay sa kasagsagan ng manhun, habang dalawa naman ang at large pa rin sa ngayon.
Gayunman, sinabi ni Marco na nakipag-ugnayan na ang Bureau of. Corrections sa Philippine Coast Guard at Philippine National Police para sa deployment ng mga tracker teams para sa pagkakahuli ng mga pinaghahanap pa rin sa ngayon na pumugang bilanggo.
Sa kabilang dako, sa inisyal na imbestigasyon sa pangyayari, sinabi ni Marco na natukoy na talagang pinagplanuhan ng mga pumuga ang kanilang pagtakas.
Mayroon pa nga aniyang mga dala-dalang ammunitions at firearms ang mga tumakas na bilanggo.