Pinag-iingat ng Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD ang publiko ukol sa umano’y mga housing projects na walang akmang ‘license to sell’ at ‘certificate of registration’.
Ginawa ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar ang babala matapos ang umano’y paglaganap ng mga real estate advertisement sa online platform.
Ayon kay Acuzar, ang online platform na ang pinakamadaling paraan na ginagamit ng mga developer na walang kaukulang lisensya at permit, para magsagawa ng ilegal na bentahan ng mga ari-arian, katulad ng mga bahay at lupa, daan upang makapambiktima ng mga buyer.
Paliwanag ni Acuzar na kinakailangan munang kumuha ng license to sell at certificate of registration ang mga real estate developer bago makapagbenta ng mga real estate projects.
Kasabay nito ay pinayuhan ni Acuzar ang mga home buyers na bumili lamang sa mga licensed real estate agents and brokers at hingan sila ng mga akmang dokumento bago bumili ng mga ari-arian mula sa kanila.
Pagtitiyak ng opisyal na nakatutok ng DHSUD sa nasabing usapin.