-- Advertisements --

Pinag-iingat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang publiko laban sa mga nag-aalok ng tulong sa social media para mapabilis ang kanilang passport appointments.

Sa isang pahayag, sinabi ng DFA Consular Affairs Office na nakatatanggap sila ng mga ulat na may ilang Pilipino umano ang naghahanap ng tulong sa mga Facebook groups at chat groups para sa kanilang passport appointment services online.

May ilang passport applicants umano na nag-book ng kanilang passport appointment mula sa mga hindi kilalang indibidwal na nakilala lamang nila sa social media. Mas malaki pa raw ang binayaran ng mga ito kumpara sa halaga na kinokolekta ng DFA para sa pag-iisyu ng passport, pagtanggap ng tampered appointment na iba sa actual appointment ng mga ito sa website.

Sa ngayon ay hinihikayat ng DFA ang mga aplikante na gumawa ng kaduda-dudang appointments na tumawag sa appointment hotline 8234 – 3488 para sa verification.

Nagpaalala rin ang ahensya sa publiko na sila dapat mismo ang mag-book ng kanilang appointments sa pamamagitan ng passport.gov.ph. Dapat din ay gamitin ng mga ito ang kanilang personal email address at monile number para sila mismo ang makakatanggap ng mga detalye para sa kanilang appointment.