-- Advertisements --

Todo na rin ang paghahanda ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagdating ng mas marami pang mga Pilipino sa bansa ngayong buwan kasunod nang pagdating ng unang batch ng distressed Filipinos na naiipit sa Sri Lanka dahil sa nagpapatuloy na economic crisis doon.

Sinabi ni Foreign Affairs Acting Undersecretary Eduardo Jose de Vega, na nakikipag-ugnayan na raw ang mga ito sa Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang ahensiya ng pamahalaan para matulungan ang lahat ng mga distressed OFWs sa naturang bansa maging ang mga undocumented contract workers.

Aniya, lagi naman daw handa ang Pilipinas sa pag-repatriate ng mga distressed Filipinos dahil mandato raw ng DFA na maging guardian sa kapakanan ng mga kababayan nating nasa ibayong dagat.

Asahan umanong marami pang Pinoy ang babalik sa bansa dahil plano nilang i-repatriate ang 114 Filipinos mula sa Sri Lanka sa ikalawang linggo ng buwan ng Agosto kapag walang magiging problema.

Una rito, sa isang statement, sinabi ng DFA na ang unang batch ng mga repatriates mula Sri Lanka ay kinabibilangan ng anim na babae at dalawang lalaki kasama na ang limang menor de edad.

Ang mga Pinoy ay ay nakabalik sa bansa sa pamamagitan ng DFA ay dumating sa Pilipinas mula sa isang commercial flight sa Colombo.

Patuloy naman daw na mino-monitor ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs kasama na ang Philippine Embassy sa Bangladesh at Philippine Honorary Consulate General sa Colombo ang sitwasyon at kalagayan ng mga Pinoy sa naturang bansa.

Top