-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang reports na inisnab ng gobyerno ng Pilipinas ang alok ng China na resolbahin ang mga dispute sa West Phiippine Sea.

Ipinaliwanag ng ahensiya na tinanggihan ang naturang proposal ng China dahil ito ay taliwas sa ating pambansang interes.

Nilinaw din ng DFA na nagsumite sila ng counter-proposals na bunga ng isinagawang malawakang internal consultations subalit ito ay hindi aniya ikinonsidera ng Beijing.

Inihayag din ng ahensiya na natanggap ng DFA noong nakalipas na taon ang ilang concept papers mula sa China kaugnay sa iba’t ibang maritime related proposal subalit ni kailanman ay hindi binalewala aniya ng gobyerno ng PH ang mga proposal ng China dahil agad na nagsagawa ang panig ng PH ng seryosong pag-aaral at konsiderasyon sa naturang mga proposal.

Bagamat ilan aniya sa proposal ng China ay maaari pang plantsahin, marami naman aniya sa natitirang rekomendasyon ng China ang natukoy na taliwas sa ating national interests matapos ang masusing pag-aaral, pag-uusig at deliberasyon ng gobyerno ng PH.

Pinaalala din ng DFA na anumang kasunduan sa anumang foreign government ay dapat na alinsunod sa mutual interests ng bansa ngunit hindi dapat nito malabag ang konstitusyon o ang karapatan ng PH sa ilalim ng international law partikular na ang UNCLOS at 2016 Arbitral Award na napanaluna na ng PH laban sa China.

Nabanggit din sa proposal ang idinulog na concern ni Chinese VIceForeign Minsiter Sun Weidong noong Marso 2023 kaugnay sa “gentleman’s agreement” umano na taliwas sa interes ng PH dahil iginiit ng China na ang aksiyon nito ay pagkilala umano sa kontrol at pamamahala nito sa Ayungin shoal bilang bahagi umano ng kanilang teritoryo.

Iginiit ng DFA na ang Ayungin shoal ay parte ng EEZ ng PH, kayat ang proposal ng China ay hindi ikinonsidera ng PH.