-- Advertisements --
DFA1

Sa kabila ng pag-abstain ng delegasyon ng Pilipinas sa UN General Assembly, nagpahayag ng suporta ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pag-adapt ng lupon sa resolution na nananawagan para sa agarang humanitarian truce sa Gaza.

Sa isang statement, inihayag ng DFA na patuloy nilang susuportahan ang pagsisikap ng UN partikular na ng UN Security Council, UN humanitarian system at global community para matugunan ang naturang krisis at matuldukan na ang nakakaalarmang pagkamatay at paghihirap ng mga mamamayan sa Gaza at Israel.

Ayon pa sa DFA, sinusuportahan ng PH ang maraming elemento na nakapaloob sa inadapt na resolution.

Nagpahayag din ng suporta ang ahensya sa naging hakbang ng Canada para isama o banggitin sa resolution ang pagkondena sa pag-atake ng militanteng Hamas na sumiklab noong Oktubre 7 na ikinasawi ng libu-libong katao kabilang ang 4 na Pilipino na hindi naisama matapos bigong makakuha ng sapat na boto.

Una na ring nakiisa ang bansa sa Association of Southeast Asian Nations at Gulf Cooperation Council noong Oktubre 20 sa panawagan para sa pagwawakas ng giyera sa pagitan ng Israel at Hamas.