-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang paghahain ng isa pang diplomatic protest hinggil sa mahigit 200 Chinese vessels na namataang nakakalat sa West Philippine Sea.

Ginawa ni Locsin ang naturang utos sa kanyang Twitter account matapos na mabasa ang mga reports hinggil sa sitwasyon sa lugar.

Ayon kay Locsin, hindi pa nakikipag-ugnayan sa kanya ang National Task Force on the West Philippine Sea hinggil sa nasabing usapin.

Ayon sa NTF-WPS noong Martes, anim na barko ng Chinese navy, kabilang na ang tatlong warships, ang namataan ng Philippine sovereignty patrols sa West Philippine Sea.

Bukod dito, mayroong dalawang People’s Liberation Army Navy vessels pa ang nakita rin sa Bajo de Masinloc.

Sa isang statement, sinabi ng NTF-WPS na lahat ng mga warships ng People’s Liberation Army Navy ay dumadagdag lamang sa militarisasyon na nangyayari sa area.

Ang presensya ng mga Chinese navy cessels na ito ay bukod pa sa tinatayang 240 Chinese militia vessels na nakakalat sa territorial waters ng Pilipinas sa Kalayaan sa Palawan at sa loob ng Philippine exclusive economic zone.

Sa 240 Chinese militia, 136 rito ang nasa Burgos Reef, siyam ang nasa Julian Felipe Reef, 65 sa Chigua Reef, anim sa Panganiban Reef, tatlo sa Zamora Reef, apat sa Pag-asa Islands, isa sa Likas Island, lima sa Kota Island, at 11 sa Ayungin Shoal.