Nakatakdang makipag-pulong si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro kay China Foreign Minister Wang Yi para talakayin ang bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at China.
Inanunsiyo ito ni DFA spokesperson on ASEAN matters Dominic Xavier Imperial kasabay ng weeklong meetings at conference ng foreign ministers ng ASEAN dito sa bansa na nagsimula kahapon na magtatagal hanggang sa Biyernes, Hulyo 24.
Ayaw naman pangunahan ng opisyal ang posibleng talakayin sa pagpupulong ng dalawang diplomat ng Pilipinas at China. Ito ay matapos siyang tanungin kung kabilang sa pag-uusapan ang hinggil sa inilabas na AI-generated video ng China Daily na naglalarawan sa mga Pilipino bilang unggoy at naglalapastangan sa 2016 arbitral award, na pumabor sa Pilipinas at nagpawalang bisa sa malawakang claim ng China sa pinagtatalunang karagatan, kabilang ang West Philippine Sea.
Subalit naniniwala ang DFA official na napakahalaga ng naturang engagement dahil hindi lamang tatalakayin dito ang bilateral relations sa pagitan ng dalawang bansa kundi maging ang iba pang usapin na may epekto sa rehiyon at ASEAN.
Sa ngayon, wala pang nabanggit si Imperial na petsa kung kailan magkikita ang dalawang opisyal.
Nauna na ring inanunsiyo ng DFA official na inaasahang dadalo rin si US Secretary of State Marco Rubio sa ASEAN at kaugnay na pulong na gaganapin sa Metro Manila ngayong linggo.












