-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang impormasyon na nasa Paris ang puganteng dating kongresista na si Zaldy Co ay nagmula sa isang “highly regarded diplomatic source,” habang patuloy itong mino-monitor ng Philippine Embassy sa France.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro, hindi maaaring ibunyag ang detalye dahil ito ay ibinigay nang confidential, ngunit tiniyak niyang aktibong sinusubaybayan ng embahada ang sitwasyon.

Naiulat na naghain si Co ng asylum sa France, kasabay ng kinahaharap niyang mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects, kabilang ang P289 milyong proyekto sa Oriental Mindoro. Iginiit naman ni Co ang kanyang inosente.

Ipinaliwanag ng DFA na sensitibo ang usapin ng asylum sa ilalim ng regulasyon ng European Union, ngunit ginagawa umano ng pamahalaan ang lahat ng legal na hakbang upang maibalik si Co sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Lazaro, kinansela na noong Disyembre 2025 ang diplomatic passport ni Co, habang paso na rin ang kanyang regular passport noong 2022, ang parehong dokumentong ginamit umano niya nang maharang sa Czech Republic.

Samantala, nananatiling dismayado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagkakalaya ni Co mula sa kustodiya ng Czech authorities, at patuloy na humihingi ng paliwanag sa France kaugnay ng naging pag-usad ng kaso. (report by Bombo Jai)