Ibinalita ng Department of Foreign Affairs (DFA) na umabot na ng 174,039 overseas Filipino workers (OFWs) ang matagumpay nilang napauwi sa bansa simula noong kumalat ang coronavirus disease sa iba’t ibang bansa.
Ayon sa DFA, 61,716 o 34.56 percent ng mga ito ang sea-based habang 112,323 o 64.54 percent naman ang land-based.
Noong nakaraang linggo ay nakabalik na rin sa bansa ang mahigit 7,500 nating mga kababayan sa pamamagitan ng 27 special commercial repatriation flights. 11 sa mga ito ang nagmula sa United Arab Emirate, pito sa Saudi Arabia, apat ang mula Qatar, tatlo sa Bahrain at tag-isa sa Kuwait at Oman.
Tuloy naman ang ginagawang repatriation ng DFA sa mahigit 2,800 sea-based workers kung saan kasama na rito ang Pinoy na mangingisdang napaulat na nawawala sa Central Sulawesi noong Abril.
Samantala, pumalo na ng 7,490 ang bilang ng mga COVID-19 positive OFWs ang nakauwi na sa bansa
Base sa “COVID-19 Philippine Situationer” ng Department of Health (DOH), 3,950 sa mga ito ang land-based habang 3,540 naman ang sea-based workers.
856 ang naka-admit pa sa ospital at 6,366 naman ang gumaling na at lima ang namatay dahil sa deadly virus.