Kinumpirma ni Sen. Manny Pacquiao na patuloy ngayon ang mga negosasyon para sa nilulutong rematch nila ni Floyd Mayweather Jr.

Ayon kay Pacquiao, asahan na raw na magkakaroon ng development isa o dalawang linggo mula ngayon.

Sakali raw na mapapayag niya si Mayweather para magtuos silang muli sa ibabaw ng ring, tiniyak ng Fighting Senator na kanyang gagamitin ang pagkakataon upang patunayan na siya na ang magwawagi.

Pero sa ngayon, sinabi ni Pacquiao na balak nitong magtungo sa Texas upang personal na panoorin ang laban nina IBF title-holder Errol Spence Jr at Mikey Garcia sa Marso 17 (oras sa Pilipinas).

Bagama’t wala pang opisyal na napapangalanan, isa si Spence sa mga napipisil na makaharap ng Fighting Senator matapos ang matagumpay nitong title defense kontra kay Adrien Broner nitong Enero.

Una nang sinabi ni Spence na interesado raw itong harapin ang eight-division world champion kahit saan, kasama na ang Pilipinas.