LEGAZPI CITY – Isinara muna sa publiko ang ilog sa La Medalla, Pio Duran Albay matapos masira ang detour bridge sa lugar at nangayin ng baha na dulot ng walang tigil na ulan sa nakalipas na mga araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Pio Duran municipal disaster risk reduction and management office (MDRRMO) head Noel Ordoña, nagpalabas na ng direktiba ang alkalde sa bayan sa mga barangay officials na patuloy na i-monitor ang mga nasa vulnerable areas para sa posible pang pagbaha at paguho ng lupa.
Kaugnay nito ay inabisuhan na ang mga uuwing residente na huwag munang tatawid sa naturang ilog at makisilong na muna sa kanilang mga kaanak o kakilala.
Ayon kay Ordoña, may ilang residente kasi na nagtangkang tumawid sa ilog subalit hindi na pinayagan dahil sa malakas na current ng tubig.
Sa ngayon ay naghahanap na aniya ng alternatibong daan habang ang ilan ay pinapatawid muna sa ilang mga pribadong lupain.