LEGAZPI CITY – Posibleng sa susunod na linggo na ang desisyon sa remedyong gagawin ng Kongreso hinggil sa isinusulong na pagpapalawig sa emergency powers ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang sinuportahan ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. ang naturang hakbang lalo na’t hindi pa umano batid kung kailan magtatapos ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Garbin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kabilang sa inilalatag na aksyon ang pag-amyenda sa legislative calendar kung saan hirit ang extension ng session na magtatapos sa Hunyo 25.
Paliwanag ni Garbin, dapat na makapag-adopt ng concurrent resolution ang liderato ng Kamara at Senado upang maipagpaliban ang sine die adjournment.
Aminado naman si Garbin na limitado lamang ang ibinibigay na oras para sa emergency powers ng Pangulo na magtatapos kasabay ng adjournment sa unang regular session ng 18th Congress.
Pagbibigay-diin pa ni Garbin na hindi makabubuti na mag-recess ang Kongreso habang humaharap sa public health emergency hindi lamang ang bansa kundi ang buong mundo.