Nakahanda raw ang ilang residente ng Makati City na mailipat na ang kanilang address sa Taguig kasunod na rin ng pinal na desisyon ng Supreme Court (SC) na nagtatakda na ang lokal na pamahalaan ang siyang may territorial jurisdiction sa 729 ektaryang Fort Bonifacio Military Reservation kabilang ang Bonifacio Global City (BGC) at ang mga “embo barangays.”
Ilan kasi sa mga residente ang nais na rin ng bagong pamamahala dahil sa naranasan nilang hindi magandang sistema sa Makati City.
Ilan na sa mga ito ay ang mga negosyanteng nagsabing pahirapan daw ang pagkuha ng permit sa Makati City.
Bagamat may mga residente rin umanong nabibigyan ng magandang benepisyo kaya ayaw nilang mailipat ang kanilang barangay sa Taguig ay hindi naman lahat ng residente at nakakatanggap nito.
Sinabi pa ng isang ng negosyanteng si aling Alicia Esguerra na 1980’s pa ito residente ng Makati kaya malungkot na mailipit sila ng Taguig dahil sa nakasanayan na nila dito pero nagdesisyon na ang Korte Suprema kaya dapat sundin ng lahat.
Samantala, may ilan din namang mga nababahala sa desisyon ng Korte Suprema na mailipat sa Taguig ang ilang barangay na dati ay nasa Makati gaya ng estudyante ng University of Makati na si Clarenz Acosta dahil sa kanilang mga benepisyong natatanggap, una na dito ang yellow card.
Naguguluhan din daw ang ilang residente gaya ni Marian Turla dahil sa pagbabago gaya na lang sa ID, address at benepisyo.
Noong Abril 3 inilahas ng SC ang final and executory decision nito sa 30 yaong boundary dispute sa pagitan ng dalawang LGU, mas binigyang bigat ng hukuman ang historical,documentary at testimonial evidences na iprinisinta ng Taguig.
Nagkaroon na ng Entry of Judgment sa kaso at base sa court rules ang desisyon ng kaso na naipasok na sa SC-Book of Entries of Judgements ay hindi na maaaring iapela o irebisa.