-- Advertisements --

Naghain ng House Resolution 224 si House Deputy Speaker Ralph Recto kung saan pinaiimbestigahan nito sa Kamara ang estado at kakayahan ng “anti-flood master plan” para sa Kalakhang Maynila at mga kalapit na lugar at para matiyak ang “cost-effective” na paggastos para sa naturang plano.

Sa nasabing House Resolution inaatasan ang House Committee on Public Works and Highways na magdaos ng pagsisiyasat “in aid of legislation.”

Layon nito na makahanap ng mga solusyon sa palagi na lamang problema sa baha.

Isa ang Pilipinas sa mga bansang madalas tamaan ng kalamidad na mayroong average na 20 bagyo kada taon.

Inihalimbawa pa ng mambabatas ang “Habagat” na karaniwang nararanasan tuwing buwan ng Hulyo hanggang sa buwan Setyembre na nagreresulta ng malawakang pagbaha sa Metro Manila.

Sinabi ni Recto na mayroong P350 billion Metro Manila Flood Management Master Plan, na roadmap ng pamahalaan at naka-programa mula 2012 hanggang 2035.

Samantala sa higit P785 billion na pondo ng DPWH sa ilalim ng 2022 National Budget, tanging P128.97 billion ang laan sa Flood Management Program.