-- Advertisements --

Patuloy ang ginagawang hakbang ng Department of Tourism na gawing Muslim-friendly tourist destinations ang Pilipinas.

Ayon kay Tourism Undersectretary Myra Paz Valderrosa Abubakar na malaki ang potensiyal ng bansa lalo na sa Mindanao para mahikayat bumisita sa bansa ang maraming kapatid nating Muslim mula sa mga kalapit bansa sa Asya tulad ng Malaysia, Indonesia at Brunei Darrusalam.

Sinabi ni Abubakar na dito pa lang sa Pilipinas ay nasa 15 milyon na ang Muslim Filipinos na pwedeng maengganyong mamasyal o umikot sa ibat ibang magagandang lugar na muslim friendly na.

Inaasahan aniya itong madaragdagan pa sa sandaling mahimok ang iba pang kalapit bansa na bumiyahe at mamasyal dito sa Pilipinas.

Ayon kay Abubakar, may inilabas nang memorandum circular o guidelines si Tourism Secretary Maria Cristina Frasco na nag aatas sa lahat ng accredited accomodation establishments para gawing muslim fiendly ang kanilang mga pasilidad at establisyimento.

Kabilang aniya rito ang kanilang mga restoran o gawin itong halal culinary at halal certifed restaurants.

Binigyang-diin din ni Abubakabar na karamihan sa mga business establishments sa Mindanao ay handa nang tumanggap ng Muslim travelers kaya mas tinututukan ng ahensiya ang Luzon at Visayas partikular ang Cebu at Clark kung saan may mga malalaking airports.