-- Advertisements --
image 56

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na mayroong sapat na suplay ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, may mahigit 17 million pang stock na bakuna na nakatago sa warehouse.

Aniya, sa 17 milyong bakuna humigit-kumulang 6 milyon ang naka-quarantine, ibig sabihin ay inaantay pa ang ebidensya at aplikasyon ng manufacturer ng mga bakuna para mapahaba ang shelf life ng covid19 vaccines.

Gayunpaman, pagsisiwalat ng opisyal na ilang mga bakuna ay nakatakdang mag-expire o magpaso na sa una at ikalawang quarter ng 2023.

Ang ibang bakuna naman ang expiry date ay hanggang sa kalahating taon pa.

Nauna nang sinabi ng DOH na 44 million doses ng COVID-19 vaccines ang nasayang dahil sa expiration at operational waste.

Sinabi ni Vergeire na sinisikap nilang paigtingin ang kampaniya para mabakunahan ang mga Pilipino sa kabila ng nakikitang mas kaunting mga impeksiyon sa virus.

Samantala, sinabi din ng opisyal na ang mga bakuna sa COVID-19 ay napatunayang epektibo sa kabila ng pagkatuklas ng mga bagong variant.

Muling paalala naman ng Health Technology Assessment Council (HTAC) na nagpapayo sa DOH kaugnay sa bakuna sa COVID-19 na hindi pa rin inirerekomenda ng pagpapaturok ng pangalawang booster para sa pangkalahatang populasyon.