-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nilinaw ng Public Affairs Service ng Department of Education (DepEd) na hindi isyu sa module ang dahilan ng pagpapakamatay ng isang estudyante sa South Cotabato.

Ito ang iginiit ni Mr. Jun Arvin Gudoy, Director IV ng Public Affairs Service ng DepEd, kasunod ng unang kumalat sa social media na umano’y pagpapakamatay ng naturang mag-aaral dahil hindi raw tinanggap ng guro ang module bunsod ng late submission.

Base aniya sa natanggap nilang report, Pebrero pa lamang ay nakakaranas na ito ng depresyon kaya naniniwala ang mismong ama at iba pang kamag-anak ng estudyante na hindi module ang dahilan ng tuluyang pag-suicide ng bata.

Inihayag ni Gudoy na nabanggit kasi ng ina ng bata na hindi naisumite ang module sa takdang araw kaya marahil tumatak sa isip ng mga tao na ito ang dahilan ng pagpapakamatay.

Una na ring lumabas ang report na nahirapan ito sa subject na Math kaya sinabi niya na ibabalik ang module at titigil na lamang sa pag-aaral.

Dagdag nito, siguradong may konsiderasyon naman ang mga guro sa mga estudyante na late nang nakakapagsusumite ng modules.