-- Advertisements --

Inamin ni Department of Transportation (DOTr) Under Secretary for Railway Cesar Chavez na isa sa dahilan ng delay sa pagtakbo ng LRT Line 1 Cavite Extension ay ang depektibong mga bagon.

Sa pulong ng House Committee on Transportation kaugnay sa railway project updates, sinabi ni Chavez na walompu sa 120 na bagon ay may water leak.

“The reported 120 trains for LRT Line 1. The 80 trains that arrived in Manila is not yet operational because there is a water leak issue. We want to inform the committee this early, that this is one of the causes of the delay on the rolling of these trains in the LRT Line 1,” pahayag ni Chavez.

Dahil aniya dito nag desisyon ang Marcos Jr. administration na huwag bayaran ang Spanish-Japanese contractor na Mitsubishi-CAF (Construcciones y Auxiliar de Ferrocariles).

Inatasan na rin aniya ng gobyerno na magsumite ito ng rectification plan.

Aminado si Chavez na hindi nagkaroon ng factory acceptance test sa naturang mga bagon dahil sa panahon ng pandemya at hindi makapunta sa Spain para i-test ito.

“So sa pagpasok ng Marcos administration, nag-decide po tayo na huwag magbayad sa Mitsubishi CAF…So ang desisyon ng Department of Transportation immediately upon learning this July 2022, wag ituloy ang bayad. Hanggat hindi nila narerectify…ang ginawa po natin inatasan sila na magsubmit ng kanilang rectification plan para sundin po kung ano ang nasa kontrata,” dagdag pa ni Chavez.

Pagtitiyak pa ni Chavez na ang contractor ang sisingilin sa gastos sa repair ng naturang mga bagon at inaaral na rin ang liquidation damages dahil sa delay.

Hanggang nitong January 31, 2023 nasa 68.8% na ang kabuuang progress rate ng proyekto.